Biglang-bigla, parang bula, wala na si Mario V. Dumaual, ang beteranong peryodistang pampelikula sa panghimpapawid na komunikasyon ng telebisyon.
Si Mario Dumaual na ipinasok ko pa sa ABS-CBN Broadcasting Corporation noong 1987 para maging kasama ko bilang field reporter ng “Star News” ng “TV Patrol.”
Mas nauna kasi ako kay Mario sa pagtatrabaho sa ABS-CBN dahil 1986 pa ay nasa Star Network na ako.
Sumakabilang-buhay si Dumaual noong ika-5 ng Hulyo, 2023 sa Philippine Heart Center nang dahil sa septic shock.
Humigit-kumulang sa isang buwan na naratay sa banig ng karamdaman si Mario nang siya ay ma-stroke.
Ayon sa kanyang anak na panganay na si Luigi Dumaual, bumaba nang bumaba ang blood pressure ng kanyang ama kaya isinugod agad nila ito sa ospital..
Sa pagamutan ay napag-alamang may bara ang ugat na pinagdadaluyan ng dugo patungo at galing sa kanyang puso.
Nang dahil dito, nagpasya siya at ang kanyang pamilya na ipasailalim siya sa angioplasty.
Nailipat pa si Mario sa isang regular na kuwarto bagamat nag-cardiac arrest siya kaya kailangang ilagay sa Intensive Care Unit (ICU).
Pero ang nakabigat ng kanyang kondisyon ay nang siya ay magkaroon ng matinding fungal infection.
Ayon kay Luigi, sinabi ng mga doktor na nakuha ng kanyang tatay ang impeksyon sa katagalan na nito sa ospital at sa hiwang isinagawa sa may ilalim ng kanyang tenga.
Sinabi ng panganay na anak na hindi niya matanggap ang paliwanag ng manggagamot na ang impeksyon ay sa pagtatagal ng pasyente sa PHC.
Ang natatanggap lang niya ani Luigi ay ang pagmumula ng bakterya sa hiwa sa may tenga ni Mario.
Alas otso pasado noong Miyerkules ay pina-pump pa si Mario ng mga doktor para isalba pero wala nang pag-asa. Nagpasya na rin ang pamilya Dumaual na huwag nang i-pump pa ang pasyente dahil makakaepekto pa ito sa kanyang mga bahagi ng katawan tulad ng pantog.
Tatlong gabing ibinurol si Mario sa Loyola Memorial Chapels sa Commonwealth Avenue.
Inilibing siya sa Loyola Marikina kahapon.
Maligayang paglalakbay sa dako pa roon, kaibigang Mario!
***************
Noon ngang tanghali ng Miyerkules ay na-miss namin si Mario sa presscon ng ika-19 na taon ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa Meeting Room 5 ng Philippine International Convention Center o PICC.
Sa susunod na tatlong taon ay hindi muna sa Cultural Center of the Philippines (CCP) gaganapin ang Cinemalaya kundi sa PICC dahil kinukumpuni pa ang CCP.
Kung walang sakit noon si Mario, malamang na nasa PICC rin siya pero ng mga sandali ng presscon ay namaalam na nga si Dumaual sa showbiz, sa buhay.
Sampung short film at sampung full-length features ang ipapalabas sa PICC, sa Tanghalang Ignacio Gimenez o Black Box Theater ng CCP, sa Ayala Malls at sa Trinoma mula sa August 4 hanggang 13, 2023. (BOY VILLASANTA)