
UPANG mapaghandaan ang El Niño, nanawagan ang isang solon sa pamahalaan na bumuo ng Department of Water Resources.
Ayon kay AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee, hindi lamang umano ito mararanasan ng isang beses lamang na inaasahang makaaapekto sa mga panamin kaya dapat na mapaghandaan.
“Kailangang paghandaang mabuti ng pamahalaan ang El Niño, lalo pa at inaasahan na makakaapekto ito sa mga pananim ngayong taon, partikular sa bigas. This is not the first or the last time we will deal with this critical problem, which is why we need a Department of Water Resources. Ngayon pa lang ay kailangan na natin ng epektibo at sustainable na water resources management program para tugunan ang mga impact ng El Niño,” pahayag ni Lee.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos aniya ang nagbanggit ukol dito sa kanyang SONA noong nakaraang taon kaya marapat umanong itulak ito nang husto sa pagbubukas ng Kongreso sa Lunes ngayong Lunes.
Sa kanyang State of the Nation Address ng nakalipas na taon, naging panukala ni Pangulong Marcos ang pagbuo sa Department of Water Resources gayundin ang pag-adopt sa Integrated Water Resource Management (IWRM) bilang strategic framework para sa pamamahala ng tubig sa buong bansa, pagbuo ng polisiya at pagpaplano.
Noong Pebrero, inaprubahan ni Marcos ang paglikha ng Water Resource Management Office (WRMO) upang mapamahalaan ang water resources sa bansa.
Sa kanyang bahagi, ipinasa ni Lee noong August 1, 2022 ang House Bill No. 2880 na bumubuo sa nasabing ahensya.
Aatasan ang bagong departamento na magdevelop at magpatupad ng mga programa at polisiya na magpo-promote sa universal access ng ligtas, sapat, abot-kaya, at tuloy-tuloy na supply ng tubig, irigasyon at sanitation services.
Ipinaliwanag ni Lee na binibigyang mandato ng panukala ang Department of Water Resources na protektahan ang lahat ng pinagkukunan ng tubig na may malaking bahagi sa mga pinagkukunan ng maiinom na tubig gayundin ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa proteksyon ng mga tubig na sakop ng kanilang huridikasyon, lalo sa pag iwas sa polusyon at river restoration.
Layon din ng panukala na i-promote ang paggamit ng rainwater harvesting facilities sa buong bansa upang madagdagan ang supply ng tubig sa bansa, maging ang paglilipat ng pangangasiwa ng mga konstruksyon at operasyon ng lahat ng balon at iba pang water-harvesting facilities mula sa Department of Public Works and Highways patungo sa bagong ahensya.
“Mahalaga ang tubig sa kalusugan nating lahat, sa ating food supply, at sa ating agricultural and industrial development. Kaya naman kapag maayos ang pangangasiwa sa ating tubig ay siguradong Winner Tayo Lahat,” sambit ng solon.
Nauna nang ipinahayag ng Department of Agriculture ang mga sumusunod na probinsya na inaasahang makararanas ng dry spells o tagtuyot: Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Metro Manila, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Camarines Sur, at Catanduanes sa Luzon; at Antique, Guimaras, Iloilo, Leyte, at Southern Leyte sa Visayas. (RCD)