Dalawa lang sa maraming kasaysayan ng romansa ang kasalang Maine Mendoza at Arjo Atayde, Maja Salvador at Rambo Nunez.
Unang ikinasal sina Maine at Arjo sa Baguio Mountain Lodges para sa isang Christian wedding.
Grabe ang tindi ng pagtitipong ito.
Mula sa lugar ng seremonya hanggang sa mga bisita.
Imadyinin mong umakyat pa sa Summer Capital of the Philippines ang mga panauhin tulad nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na bukod pa sa pagiging ninong ay mga panauhing pandangal tulad rin ni Atty. Felipe Gozon ng GMA Network at nina Carlo Katigbak, Deo Endrinal, Cory Valenzuela-Vidanes at iba pa ng ABS-CBN!
Pati mga taga-TV5 ay presente at bonggang-bongga ang partisipasyon.
Nandoon din sina Maricel Soriano, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Tang Adriano, Liza Dino-Seguerra, Ice Seguerra, Pauleen Luna at marami pang iba.
Siyempre’y hindi nawala ang presensya nina Sylvia Sanchez at Arturo Atayde, ang mga magulang ni Arjo at ang mga paryentes ni Maine na mula pa sa Bulacan.
Hindi mapinta ang kaligayahan sa mukha at buong pagkatao ni Mendoza na nakilalang si Yaya Dub sa tambalang AlDub.
Pero nasaan ang kanyang si Al, si Alden Richards na hinanap-hanap ng lahat.
Kung wala nga naman si Alden ay wala rin marahil si Maine dahil phenomenal ang kanilang kasikatang magkapareha.
Inimbitahan nga ba si Richards sa pag-iisang-dibdib ng kanyang ka-loveteam?
Kung inanyayahan man, dadalo ba naman siya?
Ang sabi ng marami ay magnanakaw lang ng eksena si Alden pero kapwa naman hinog na ang kamalayan ng AlDub at alam at tanggap na nila ang katotohanan.

Madrama rin ang pagtataling-puso nina Maja at Rambo.
Aba’y sa Bali, Indonesia pa sila nagpakasal at walang nakahadlang sa kanilang pagharap sa altar ng isang okasyong ginawa sa isang hardin sa Bali.
At ang nakakamangha ay ang paghahandog nina Salvador at Nunez ng piging sa bisperas ng kanilang pagbibigkis ng mga puso at kaluluwa.
Dumating sa gabi ng kasiyahan sina Kakai Bautista, MJ Lastimosa, Richard Gutierrez, John Lloyd Cruz, Sarah Lahbati, Carlo Katigbak at marami pang iba.
Kunsabagay ay kapitbansa lang naman ng Pilipinas ang Indonesia at ilang minuto lang ay nandoon ka na.
Kaya nga katatapos pa lang ng kasal nina Maine at Arjo ay lumarga na sila sa pakikipagkasal kina Maja at Rambo.
Gayunman, ito na ang paglalahad ng mga katotohanan ng buhay.
Si Rambo pala ay isang binatang ama.
May anak pala siya sa aktres na si Bettina Carlos.
At ang tunay palang pangalan ni Rambo ay Rambo Nuñez Ortega.
Gayunman, opisyal nang kasal sina Maja at Rambo.
Samantala, ikinasal na rin si Natalie Hart sa kanyang non-showbiz boyfriend sa Australia.
At sa susunod na isyu, ang engagement naman nina Mara Lopez at Chandler Booth at nina Bea Alonzo at Dominic Roque.