Beauty queen at aktres na si Azenith Briones, nawawala pa rin; Isabel Rivas sinisisi ang mga anak

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng kanyang mga kaibigan at kaanak ang aktres at mutya ng kagandahan na si Azenith Briones.

Nagsimula ang lahat nang magpadala sa akin ang peryodistang pampelikula na si Obette Serrano ng mensahe na nawawala ang kanyang kaibigan at kliyente.

Si Obette ang opisyal na tagapagbalita ng bituin.

Kaya nga’t tinawagan ko si Azenith sa kanyang mobile cellphone pero nakatatlo akong tawag ay hindi siya sumasagot.

Kahit ang kanyang Facebook ay biglang nawala.

Tinawagan ko rin siya sa Facebook Audio Call pero nakatatlo rin akong tawag ay ni ha, ni ho rin siya.

Hanggang nagbalita nga ang isang nagngangalang Paul Macasiano na dinukot si Briones ng apat na lalaki isang gabi noong nakaraang linggo.

Ayon kay Paul, nanghingi pa sa kanya ng guwardiya ang bituin dahil nakakaramdam ito ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Natuklasan kasi ni Zenith na nakapaglabas ng apat na milyong piso ang kanyang mga anak mula sa bangko.

Nakiusap pa si Macasiano na tumulong si Lito Lapid, ngayon ay senador ng republika na paimbestigahan ang insidente.

Sinabi pa ni Paul na mabuti at may guwardiya na ang aktres at nakita ang pagdukot dito.

Samantala, nakausap naman ni Isabel Rivas, isa sa mga kaibigang matalik ni Briones at sinabi niyang siya ay pinararatangan ng mga anak ni Zenith na nagkakalat ng fake news tungkol sa kanilang ina.

Ayon kay Sabel, hindi siya mag-aaksaya ng oras para sabihing hindi nawawala ang kanyang kaibigan samantalang totoo naman ang kanyang sinasabi.

Sinabi ni Rivas na pinakulong si Briones ng mga anak nito nang labag sa kalooban ng ina.

Itinanggi rin ni Isabel na drug addict at baliw si Azenith.

“Ang anak nga ni Azenith ang nag-drugs,” sabi ni Isabel.

Nang magkausap si Rivas at ang isa sa mga anak ni Briones sinabi nitong naipakulong nga ng kanyang ina ang isa sa kanyang mga kapatid.

Kulang na lang na sabihin ni Sabel na gumaganti ang mga anak sa pagpapadala nito sa ina sa rehab center.

Sinabi ni Rivas na naipagtapat sa kanya ni Briones noon na nais na ngang kunin ng mga anak nito ang mana ng mga ito kahit buhay pa ang kanilang ina.

Ang sagot ani Sabel ni Zenith ay paano niya ibibigay ang pera sa mga ito? Paano kung maubos at maghirap ang mga ito, sa kanya pa rin tatakbo.

Isiniwalat naman ni Rivas na nasabi sa kanya ni Briones noon na hindi siya inirerespeto ng kanyang mga anak.

Kaya naman umano napagkamalang may tama si Azenith ay dahil palasigaw ito.

Samantala, nakausap naman namin si John Matthew Briones Reyes at sinabi nitong huwag paniwalaan ang mga umiikot sa social media.

“My mom is in safe hands,” pahayag pa ni John Matthew.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights