Wala sa panahon ang kamatayan ng isang dakila, hindi lang tao kundi aktor.
Bakit sa dinami-dami ng mga tao sa showbiz ay siya pa ang nawala?
Siya na mapagkakatiwalaan para mas maging matwid ang industriya ng aliw sa Pilipinas sa pamanagitan ng kanyang hinog at malalim na interpretasyon at pagpapakahulugan sa buhay.
Siya ang halimbawa ng bituin na nanaog sa lupa upang bigyang katwiran at kahulugan ang katinuan sa pag-arte ng isang ordinaryo at di-ordinaryo at kumakatawan sa lipunang Filipino.
Bagamat mukhang pigtal siya sa sosyo-pulitikal na nilalaman at balabal na diskurso siya naman ay may pansariling ibig sabihin ng eksistensiya ng buhay na mapagpalaya sa pagkabusabos at pagkaalipin.
Ganyan ang namayapang aktres na si Jaclyn Jose.
***
Sumakabilang-buhay si Jaclyn, Mary Jane Sta. Ana Guck sa tunay na buhay, nang dahil sa myocardial infarction sa medikal na termino o heart attack sa pangkaraniwan o pamilyar sa lahat na tawag.
At hindi totoong nagpakamatay siya.
Hindi rin totoong may foul play na ginawa sa kanya.
Natumba siya at nawalan ng malay at natuluyan na siya mula noon.
Kaya lang, hindi tama ang ipinahayag ng tradisyunal (mga diyaryo, TV at radyo) at social media (news online, Facebook, X–ang dating Twitter, email, Instagram atbp. na March 3, 2024 namatay si Jose.
Kaya lahat ng klase ng media ay kumopya sa naunang naglathala ng maling impormasyon kabilang na kami kaya iwinawasto namin o naming lahat ang kawirwirang ito.
Umaga ng March 2, 2024 namatay si Jaclyn, ayon sa kanyang anak na si Andi Eigenmann sa isang press conference.
Kasama ni Andi sa pagpapahayag ng kanyang opisyal na pagsisiwalat ang kanyang kapatid sa ama na si Gabby Eigenmann na anak naman ni Mark Gil at ng modelo at aktres na si Irene Celebre.
Si Andi naman ay anak ni Jaclyn kay Mark.
Nang makarating kay Andi ang masamang balita ng pagyao ng kanyang Nanay, sumagsag agad siya, kasama ang anak niya kay Jake Ejercito na si Ellie sa Maynila mula sa malayong Siargao sa Mindanao.
Tumuloy agad siya sa kinaroroonan ng katawan ng kanyang ina.
Nagpasya ang babaing Eigenmann na cremation ang pamamaraan ng pagbabangkay sa kanyang ina.
Kaya pagkatapos ng cremation at pagkasilid ng mga abo ng namatay sa urn, dinala ito ni Andi sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue sa Lunsod Quezon.
Nakahanda na ang mala-paraisong paglalagakan kay Jaclyn sa isang silid sa punerarya sa ga-bundok na malalaking puting rosas.
Isinapaw ng anak ang urno sa tuktok ng ga-bundok na mga bulaklak at makakapal na sanga at dahon.
At nagsimula na ang paglalamay.
***
Sa unang gabi ng pagbuburol ay nagbigay ng pahimakas ang mga peryodistang pampelikula na sina Ronald Rafer, Rodel Fernando-Ocampo, Gerry Olea at iba pa at ang mga aktor na sina Tirso Cruz III, ang Tagapangulo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), Lyn Ynchausti, Veronica Jones na kaputol ng pusod ni Jane, Ferdy Lapuz at iba pa.
Nang ikalawang gabi ay buhos ang mga tao, punung-puno ang chapel lalo na nang dunating at magbigay-puri ang buong kaartistahan ng “Batang Quiapo” ng ABS-CBN.
Dumating sina Jess Evardone, Julio Diaz, Christopher de Leon, Ara Mina, Cristine Reyes, Lorna Tolentino, Ivana Alawi, Vice Ganda, Melissa Mendez, Jerika Ejercito, Glenda Garcia, Claudine Barretto at marami pang iba.
Isang espesyal na gabi yaon na lumutang ang malalaking bituin ng pangunahing teleserye sa bansa.
Ayon sa peryodistang pampelikulang si Art Tapalla, napakahaba ng talumpati ni Coco Martin lalo na ang pagdidiin niyang si Jaclyn ang nagpasok sa kanya sa ABS-CBN kahit sikat na sikat na si Coco sa mga obra maestra ng pang-internasyunal na alagad ng sining na si Brillante Ma. Mendoza.
Nadagdagan lang ang katanyagan ni Martin dahil sa komersyal at ginagastusan ang marketing at advertising ng mga proyekto ng aktor sa Kapamilya Network para mas maraming manood.
Pero pare-pareho lang na mga panoorin ang mga ginagawa at nililikha nina Brillante at ng mga tulad ng Viva Films, Regal Entertainment, GMA Network, TV5, UNTV, Cignal TV, ABS-CBN at iba pang mga studio projects.
Ngayon ay kawalan sa ating lahat na mga mamamayan ang isang Jaclyn Jose, ang 2016 Palme d’Or Best Actress sa prestihiyosong Cannes Film Festival para sa “Ma’ Rosa” ni Mendoza.