HINIMOK ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee ang Department of Agriculture (DA) na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa pagpaparehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang ma-avail ang fuel subsidy ng ahensya.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Matagal na po nating panawagan na ma-update at ma-modernize na ang RSBSA registration dahil marami tayong mga magsasaka at mangingisda na di nakakatanggap ng ayuda dahil wala sila sa listahan o di kaya ay may mali sa detalye. Sa bigat ng mga pasanin nila, sobrang nakapanghihinayang na hindi sila nakakatanggap ng tulong,” ani Lee.
“Bukod sa paghikayat at pag-assist ng DA sa pagpaparehistro sa RSBSA, dapat pabilisin at simplehan din ang mga requirements sa pagpaparehistro ng mga makinarya at bangka para maging kwalipikado sa fuel subsidy,” dagdag pa ng solon.
Inihayag ng DA kamakailan na naglaan sila ng P500 milyon para maglaan ng one time fuel subsidy na P3,000 para sa mga magsasaka at mangingisda na nakarehistro ang kanilang makinarya at bangka na hindi lalampas sa tatlong metriko tonelada upang maging kwalipikado.
Tumaas ng P0.95 kada litro ang presyo ng diesel ngayong linggo habang P0.40 naman ang kada litro ng gasolina. Nagtaas ng presyo ng pump ang mga oil firm noong nakaraang linggo ng P1.10 kada litro sa gasolina, P1.55 sa diesel, at P1.40 sa kerosene
Umapela ang mambabatas na Bicolano sa DA na bigyan ng panahon ang mga magsasaka at mangingisda na irehistro ang kanilang mga kagamitan habang pinal na ang guidelines ng kagawaran para sa subsidy.
“Bigyan po sana ng DA ng pagkakataon na makapagrehistro ang ating mga magsasaka at mangingisda sa RSBSA habang wala pang pinal na alituntunin sa fuel subsidy,” aniya.
“At kapag nagsimula na ang pamimigay ng subsidy, gamitin po sana ng DA ang latest na listahan ng rehistro para walang mapagkaitan at mapag-iwanan,” saad pa ni Lee.
Hinimok din ng solon ang DA na pag isipan ang pagbibigay ng isa pang round ng fuel subsidy sa ikalawang kalahati ng taon kung patuloy na tataas ang presyo ng gasolina.
“Sa dalas at laki ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi sapat ang one-time P3,000 na fuel subsidy,” pagdidiin ni Lee.
Aniya, pag-aralan din sana ng DA ang posibilidad na makapagbigay ng isa pang round ng fuel subsidy bago matapos ang taon habang hindi pa humuhupa ang oil price hike, para maibsan ang pasanin ng ating mga magsasaka at mangingisda, at mabawasan kahit paano ang kanilang pangamba na wala silang panggastos lalo na kung may magkasakit sa pamilya.
“Kapag nasuportahan natin ang ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa vulnerable sectors, kapag natulungan natin ang mga magsasaka at mangingisda na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at ang agrikultura, siguradong magiging Winner Tayo Lahat,” dagdag pa ni Lee.
Sa nakaraang budget deliberations sa Kongreso, patuloy na nanawagan si Lee sa pamunuan ng Kamara na maglaan ng karagdagang budget para ma-update at ma-streamline ang pagiging epektibo ng RSBSA at para sa mabilis na paghahatid ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda. (LB)