2 kasalan sa showbiz, bongga, kakaiba

May dalawang kasalan sa daigdig ng aliw nitong nakaraang linggo at ang mga ito ay ang pagpapakasal muli ni Angelica Panganiban at ng negosyanteng si Gregg Homan at ang pagtatali sa mga puso ng mang-aawit–isa ring may taguring anghel sa pangalan–si Angeline Quinto at ang kanyang kasintahang si Nonrev Daquina.

Unahin muna natin ang pagpapakasal nina Angelica at Gregg.

Aba’y ikalawang pagkakataon na ang pagbibigkis sa mga puso nina Panganiban at Homan.

Una nang nagpahayag at nangako ng pagmamahal hanggang kamatayan sina Angel at Gregg sa Estados Unidos noong kahuli-hulinang araw ng Disyembre noong 2023.

Mukhang may pagkasekreto ang kasalang ito noon pero kumalat din sa social media sa kagandahang-loob ng mga iskupero at iskupera kundi man malalapit sa dalawa na nais lang ipaalam sa mundo ang pakikiisa nila sa makasaysayang panahon at sandali sa buhay ng aktres at ng negosyante.

Gayunman, nandoon din ang unang anak ng dalawa, ang paslit na si Amila Sabine o Baby Bean.

Nandoon din ang mga kabagang ni Angelica sa showbiz na sina Kim Chiu at Bela Padilla.

Sa ikalawang pagkakataon, humarap sa dambana ng isang banal na seremonya sina Panganiban at Homan sa baybay-dagat ng Siargao sa Visaya.

Noong April 20, 2024 naganap ang matrimonya at mas marami ang dumalo sa pagkakataong ito.

Bukod kina Kim at Bela, ang tinaguriang “twin sister” ni Angelica na si Anne Curtis ay dumatal sa isla.

Sa gabi ay naghandog pa ng mala-rap na awitin si Anne sa kanyang “kaputol ng pusod” sa ibang ina.

Nakipagsaya rin sa kasalan sina Ronnie Lazaro, Ketchup Eusebio, ang mga opisyal ng ABS-CBN na sina Cory Vidanes at Carlo Katigbak, Eugene Domingo, Agot Isidro, Glaiza de Castro, Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, ang bagong magkatipan na sin Maxene Magalona at Geoff Gonzalez.

Nasa pag-iisang-dibdib din nina Angelica at Gregg ang napakarami pang aktor at aktres lalo na mula sa ABS-CBN.

At siyempre, hindi mawawala sa dakilang araw na ‘yon ang panganay nina Panganiban at Homan na si Bean na flower girl sa okasyon.

Idinaos naman ang kasalang Angeline Quinto at Nonrev Daquina sa altar ng Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo noong Huwebes at ang mga ninong at ninang ay sina Martin Nievera, Charo Santos-Concio, Manila Mayor Honey Lacuna, Regine Velasquez, Boy Abunda at Zsa Zsa Padilla.

Nakipag-ambag din ng kaligayahan at panalangin ng matapat at mahabang pagsasama nina Angeline at Nonrev hanggang kamatayan sina Paulo Avelino, Laurente Dyogi na siya nang namamahala ng Star Magic ng ABS-CBN, Vice Ganda at marami pang iba.

Itong kakaiba at natatanging paglakad ni Angeline sa mahaba at malawak na aisle sa Quiapo Church ay ngayon lamang yata nagawa ng isang celebrity bride.

Ayon kay Quinto, sa simbahan sila ng Quiapo nagpalitan ng mga “Opo” sa  habambuhay na pagsasama ni Nonrev dahil pareho silang deboto ng Itim o Sunog na Nazareno.

Pagbibigay-pugay rin ito ni Angeline sa pagmamahal sa kanya ng nasira niyang ina-inahan na si Mama Bob na isa ring deboto ng Mahal na Nazareno.

Samantala, tulad ng partisipasyon ni Baby Bean sa kasal ng kanyang ama’t ina, kapiling din nina Angeline ang kanilang panganay na anak na lalaking paslit na si Silvio.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights