ISANG kakaibang basketball court artwork na nagpapakita ng mga imahe ng mga lider sa bansang United Arab Emirates (UAE) ang bagong atraksyon sa iconic Lope De Vega basketball court sa Maynila.

Brainchild ng true-to-life Cinderella Man na si Manito Hwang ang kauna-unahang pagpapakita ng ipinintang mukha ng mga lider at dugong bughaw sa semento ng isa sa abalang kalye sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang world-class masterpiece ayon kay Hwang o Kuya Manny ay pagbibigay pagkilala sa mga pinagpipitagang mga lider ng UAE at bilang taos-pusong pasasalamat na rin ng Filipino community, na kumikilala sa naging epekto sa ‘di mabilang na buhay na binago ng katangi-tanging liderato at pagiging bukas palad ng mga nasabing lider mula sa dayuhang bansa.
Kinomisyon naman ang 40-anyos na si Maya Car Andang, dating miyembro ng All Star Dance Group na limang beses na nagkampeon sa World Dance Olympic, na lumikha ng proyekto para ipinta ang mukha ng dalawang hari at prinsipe ng UAE sa nasabing basketball court. Kung matatandaan, siya din ang nagpinta sa nag-viral na imahe ni NBA Superstar Lebron James sa isang basketball court sa Taguig Tenement noong 2015.
Ayon sa Filipino-Taiwanese na si Kuya Manny, napili ang Lope De Vega basketball court dahil sa kahalagahan nito sa mga Filipino, lalo na sa mga mahihilig sa larong ito.
Mahal na mahal aniya ng mga panatiko sa basketball ang nasabing lugar kaya naman ito ang napiling lugar upang itampok ang mga kahanga-hangang artwork at upang ipahayag na din ang pagtanaw ng utang na loob ng mga Filipino sa royal family at mga lider ng UAE.
“Marami dito sa Lope De Vega ang sinukuan na ng pag-asa pero simula ng makapagtrabaho sa UAE ay biglang nabuhay ang pag-asa at di na bumalik sa dati nilang bisyo. At sa awa ng Diyos ay maganda na ang buhay nila. Kaya naman on behalf of the Filipinos na nagbago ang buhay ay isang pasasalamat na rin ang mensahe ng ipinintang larawan nina UAE President Mohammed bin Zayed Al Nahyan; former President of the UAE Khalifa bin Zayed Al Nahyan; Ruler of Dubai Mohammed bin Rashid Al Maktoum; at Emirati politician Hamdan bin Mohammed Al Maktoum,” pahayag pa ni Kuya Manny.
Nabatid na ang nasabing artwork ay tumatayong testamento nang hindi matatawarang suporta na ibinigay ng UAE sa Pilipinas lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng 2020 Taal and Mayon Volcano eruption, kung saan ang tonetoneladang ayuda ay dumagsa para sa mga biktima ng nasabing pagsabog.
Dagdag pa rito ang donasyon ng UAE na 100,000 COVID-19 vaccines, RT-PCR machines, at pati na rin ang mga oportunidad na nalikha para sa Pinoy sa loob at labas ng bansa na nagpabago ng kanilang buhay.
“We extend our deepest gratitude to the United Arab Emirates and its revered leaders for their compassion and generosity that have touched the lives of millions,” pahayag ni Kuya Manny.
“This tribute is a reflection of the enduring bond between the Philippines and the United Arab Emirates, showcasing our profound appreciation for their selfless support, ” dagdag pa nito. (BONG SON)