MARIAN RIVERA, BOX-OFFICE QUEEN, REYNA RIN SA PUSO NI DINGDONG DANTES

SOBRANG masaya ang naging muling pagharap sa kamera ni Marian Rivera para muling ihataw ang kanyang movie career na medyo naisasantabi muna magmula nang magkaroon sila ng anak ng kanyang husband na si Dingdong Dantes. Bagama’t hindi talaga iniwan ng magandang aktres ang showbiz, ay naging priority niya ang kanyang pamilya.

Magkakasunod kasi ang naging pagbubuntis noon ni Marian. Panganay si Zia at sumunod si Sixto Dantes. Happy ang mga nagmamahal at nangangasiwa ng career ni Marian, lalo na ang GMA-7, dahil hindi lumamlam ang kasikatan ng aktres habang busy siya sa pagpapalaki ng kanilang mga anak ni Dingdong.

Napatunayan ang pananabik ng publiko kay Marian nang magdesisyon na siyang gumawa ng pelikula, ang “Rewind” at ang teleseryeng “My Guardian Alien” at ngayon ay bida siyang muli sa pinasimulang bagong pelikula, ang “Balota”.

Ang saya lang, dahil sina Marian at Dingdong ay pararangalan na bilang Box-Office Phenomenal Stars of Philippine Cinema sa Box-Office Entertainment Awards 2024 na gaganapin sa May 12, 6-PM sa Henry Lee Theater, Ateneo De Manila University.

Sa pagsasama nila bilang mag-asawa ay walang problema. May lumutang na bagong tsismis, na may iba pang babaing naanakan ang husband ni Marian. Lumutang ang pangalan ng dating nag-artista na si Lindsay De Vera na diumano’y may 5 o 6 na taong gulang na anak. Pinabulaanan niya ang intriga. Sabi ni Lindsay: “Wala po kaming ganu’ng relasyon. Never po akong naging girlfriend or anything ni Kuya Dong. And I respect Kuya Dong as a person. At siyempre, I also respect ‘yung wife.”

JUDY ANN SANTOS, WALA NA HALOS MAHIHILING PA SA BUHAY

HINDI nagpapakaperpekto si Judy Ann Santos pagdating sa pagdadala ng relasyon o buhay may asawa. Para sa kanya, sa abot ng kanyang makakaya ay aalagaan at iingatan niya ang ligaya at saya na mayroon siya ngayon sa piling ng kanyang husband na si Ryan Agoncillo at ng kanilang mga anak na sina Yohan, Lucho at Luna Agoncillo.

Buong showbiz, pati na ang mga piling kaibigan ni Judy Ann ay alam ang pinaghuhugutan ni Juday kung bakit napakahalaga sa wife ni Ryan ang kanilang nabuong pamilya, at ang saya ng relasyon nilang mag-asawa na ngayon ay pumasok na sa pagdiriwang ng kanilang 15th Anniversary.

Si Juday bilang tao, ang isang malungkot na parte ng kanyang buhay ay produkto siya ng nagkahiwalay na mga magulang. Lumaki siyang mommy at mga kapatid lang ang kasama. Mabait at malapit si Juday sa kanyang ina na si Mommy Carol Santos, pero hindi niya nakakalimutan ang kanyang tatay. Sobrang dikit din si Juday sa kanyang mga kapatid, lalo na sa kanyang Kuyang aktor na si Jeffrey Santos. Kaya sobrang nangarap si Juday na magkaroon ng masayang sariling pamilya, at natupad iyon.

Hinahangaan ngayon sa showbiz ang relasyon nina Juday at Ryan. Umabot na nga sila ng 15 taon, habang ang ibang magkakarelasyon sa showbiz ay nauuwi sa puro hiwalayan.

Ang suwerte naman kasi ni Judy Ann. Napakaresponsableng asawa ni Ryan. Hindi nawawala ang paggabay ni Mommy Carol sa relasyon ng mag-asawa at sa kanyang mga apo. Habang napakababait ng mga biyenan ng aktres na partido ni Ryan. Sobrang disiplinadong mga anak sina Yohan, Lucho at Luna.

Habang sa career, balik-teleserye at pelikula na rin siya. Dahil suwerteng hinihintay palagi ng showbiz ang availability ni Juday para muli siyang mapanood ng kanyang mga tagahanga na hindi bumibitiw sa kanya.

Verified by MonsterInsights