Habang papalapit ang year-end holidays, VAT refund sa turismo pakikinabangan ng bansa – Gatchalian

NANINIWALA si Senador Win Gatchalian na makakaakit ng mas maraming turista ang Pilipinas sa inaasahang pagsasabatas ng Value-Added Tax (VAT) refund para sa turismo habang papalapit ang tinatawag na seasonal peak sa panahon ng Pasko at Bagong Taon.

“Umaasa ako na ang panukala ay maisasabatas pagdating ng year-end holidays kung kailan maraming turista ang pumupunta sa Pilipinas upang maranasan ang pagdiriwang natin ng Pasko at Bagong Taon,” ani Gatchalian.

Inaprubahan kamakailan ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.

Ayon sa solon, inaasahang magpapahusay sa tourism competitiveness ng bansa sa buong Asya at magpapasigla sa lokal na industriya ng turismo ang pagsasabatas ng naturang panukala, lalo na’t marami nang mga kapitbahay sa rehiyon ang matagal nang nagpapatupad nito.

“Tiwala tayo at umaasa na ang panukalang ito, kapag naisabatas, ay lalong magpapalakas sa turismo ng bansa na siya namang makakatulong para magkaroon ng trabaho ang marami sa ating mga kababayan at magpapalakas pa ng ating ekonomiya,” sabi pa ni Gatchalian.

Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), umaabot sa mahigit 3 milyon ang international visitor arrival para sa unang kalahati ng taon, katumbas ng humigit-kumulang na 7% na pagtaas mula noong nakaraang taon.

Sinabi ng DOT na nananatiling top source market ang South Korea kung saan 824,798 ang mga bisitang nakakapasok ng Pilipinas mula sa South Korea, o 26% ng kabuuang bilang.

Sinusundan naman ito ng Estados Unidos na may 522,667 o 16.7%; China na may 199,939 o 6.3%; Japan na may 188,805 turista o 5.9%; at Australia na may 137,391 o 4.3%. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights