NAKATAKDANG magdiwang ng kanilang 50th Church Anniversary at Revival Crusade ang Jesus Miracle Crusade International Ministry (JMCIM) sa darating na Linggo, na gaganapin sa Quirino Grandstand sa Luneta Park, Maynila.
Ang isang araw ng pagtitipon ay inaasahang dadaluhan ng milyong mananampalataya bilang araw ng pasasalamat, pagsamba at upang maipahayag ang tunay na kaligtasan na nagmumula kay Hesukristo.
Nabanggit ni JMCIM representative Beloved Annaliza Almeda Smith na hangad nila ang lubos na pagkakaisa at kapayapaan para sa Pilipinas at sa buong mundo .
Wala rin umano silang iiendorsong pulitiko para sa darating na eleksyon dahil nananatili silang non-political o apolitical.


“Wala kaming kinikilingan o pinapapanigan subalit mananatili kaming sumusuporta sa good governance,” ayon pa kay Almeda-Smith.
Inaanyayahan ng JMCIM ang publiko na dumalo sa banal na araw ng pagtitipon na magsisimula ng alas-10 ng umaga upang maranasan ang mensahe ng kaligtasan na nagmumula sa Panginoon.
Matatandaang tinatag ang Jesus Miracle Crusade International Ministry (JMCIM) noong 1970s sa ilalim ng pamumuno ni Evangelist Pastor Wilde E. Almeda at ng kanyang kabiyak na si Pastora Lina Almeda na hanggang ngayon ay patuloy na lumalago at nagpapahayag ng full gospel of salvation, healing at deliverance ng kapangyarihan ng Panginoon hindi lamang sa Pilipinas maging sa ibat-ibang panig ng mundo. (MARISA SON)