MAGANDANG balita para sa mga residente ng unang distrito ng Maynila.
Inianunsyo ni Mayor Honey Lacuna na ang Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay isa ng ganap na ISO certified.
Ang GABMC ay pinamumunuan ni Dr. Ted Martin bilang hospital director at ang nasabing ospital ang nagkakaloob ng mga pangangailangang medikal ng mga residente ng Tondo o unang distrito.

Ang nasabing ISO accreditation ay mahalagang hakbang para sa mahusay na operasyon ng ospital at customer satisfation.
“Ito ay patunay ng kanilang mataas na pamantayan sa kalidad ng serbisyo at pangangalaga sa kalusugan,” saad ni Lacuna, kasabay ng pagbibigay papuri niya kay Martin at sa mga kawani nito sa kanilang kasipagan at dedikasyon na dahilan para makuha ang ISO certification.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Ted Martin, ang hepe ng GABMC, naging masigasig ang institusyon sa pagpapabuti ng mga proseso, pagsasanay ng mga tauhan, at pagpapatibay ng mga sistema na sumusunod sa international standards. Ang pagkakamit ng ISO certification ay nagsisilbing patunay ng dedikasyon ng ospital sa pagbibigay ng ligtas at dekalidad na serbisyo para sa bawat pasyente,” pahayag ng lady mayor.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Dr Dr. Martin na ang accreditation ay di lamang basta karangalan para sa ospital, ito ay isang tagapagpaalala ng kanilang responsibilidad na paglingkuran ang komunidad ng Tondo nang may pinakamataas na antas ng kagalingan.
“Ang ISO certification ay isang hakbang patungo sa mas magandang bukas para sa ating mga pasyente, mga empleyado, at ang buong komunidad. Patuloy naming isusulong ang mga inisyatiba upang matiyak ang pinakamahusay na kalidad ng pangangalaga,” saad ni Dr. Martin.
Iginiit ni Dr. Martin na ang GABMC ay patuloy na mag-aalok ng serbisyong may tunay na malasakit at pamumuno pagdating sa pangangalagang pangkalusugan.
Tiwala naman si Lacuna na ang bagong karangalan na iginawad sa GABMC ay magisilbi bilang panibagong milestone sa misyon ng ospital magbigay ng pinakamahusay na serbisyong medikal sa lahat ng Manileño lalo na sa mga taga-Tondo kung saan naroon ang GABMC na itinayo para sa mga taga-Distrito Uno. (MARISA SON)