Kick-off rally ni Mayor Honey Lacuna, umpisa na bukas

Nakatakdang magsagawa ng kick off proclamation rally ang Asenso Manileño bukas ng gabi sa harap ng San Loreto Church upang pormal na iendorso ang kandidatura ni incumbent Mayor Honey Lacuna at ng iba pang tatakbong kandidato sa ilalim ng nasabing partido.

Sa isang news conference na isinagawa ng Manila City Hall Reporters Association (MACHRA), sinabi ni Manila Public Information head Atty. Priscilla Marie Abante na magsisimba muna si Lacuna bago mag-umpisa ang proklamasyon dakong ala-sais ng gabi sa San Loreto Church.

Ito ay nasasakupan ng Fourth District na itinuturing na balwarte ni Lacuna kung saan siya ay nagsilbi bilang three-term councilor.

“Mas gusto ni Mayor Honey ang personal na mangampanya at makadaupang palad ang Manilenyo sa pamamagitan ng house to house campaign, causus at open forum na kanilang isasagawa sa mga barangay,” ayon pa kay Abante.

Nagpahayag din si Abante na walang panahon si Lacuna sa mga disinformation campaign na ibinabato sa kanya bagkus ay prayoridad niya at nakatuon ang kaniyang pansin na mas mapabuti ang Health program na kaniyang inumpisahan katulad ng pagpapatayo ng mga Super Health Centers na nagbibigay ng libreng serbisyo upang mas mabigyang pansin ang kalusugan ng mga Manilenyo.

Idinagdag din nito na nakatutok ang administrasyon ni Honey sa Land for the Landless program nito na mabigyan ng tahanan ang mga residente ng Maynila na nangangailangan talaga ng pabahay.

Inaasahan na dadagsa ang mga supporters ni Lacuna na lubos na naniniwala sa kaniyang kakayahan na baguhin at paunlarin ang Maynila. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights