P17.8-B utang ng dating admin ng Maynila babayaran sa loob ng 20 taon

KINAKAILANGANG magbayad ang bawat isang Manileño ng mahigit P7,000 kada buwan sa loob ng 20 taon para bayaran ang  P17.8 billion utang na iniwan ng dating administrasyon ng Lungsod ng Maynila.

Ito ang ibinunyag ni Atty. Princess Abante, spokesperson ni Manila Mayor Honey Lacuna at hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), nang maging panauhin siya sa ‘MACHRA Balitaan,” isang news forum na buwanang  ginagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) at ginaganap sa Harbour View Restaurant.

Ayon kay Abante, kinakailangan umanong maglaan ng P2 bilyon ang pamahalaang lungsod kada tao para mabayaran ang utang sa dalawang bangko.

Ipinaliwanag din ni Abante na kahit noong Vice Mayor pa si , kung kailan ginawa ni dating Mayor Isko Moreno ang pangungutang, ang kanyang katungkulan bilang Presiding Officer ng Manila City Council (MCC), ay para ilahad lang ang desisyon ng mayorya at ito ay noong magdesisyon silang bigyan ng  kapangyarihan si Isko na gawin ang pangungutang. Iginiit pa ni Abante na di nga pinapayagang bumoto si Lacuna maliban na lamang kapag nagkaroon ng tie.

Nabatid pa sa opisyal na mayroong  P25 billion credit line ang lungsod na dapat umano gugulin sa susunod na siyam na taon. Idinagdag pa niya na sa kaso ng dating administrasyon, ang  P17.8 billion ay ginastos lamang sa loob ng dalawa at kalahating taon.

Ipinahayag din ni Abante na noong binigyan ng MCC si Isko ng awtoridad para makautang , wala silang kaalam-alam na may plano pala itong tumakbong pangulo ng bansa dahil ang pinanghahawakan nila ay ang deklarasyon nito na  ‘di niya iiwan ang Maynila.

Kaya nang matalo si Isko, sinabi ni Abante na naiwan kay  Lacuna ang  mga proyekto nito at tinapos din ng lady mayor ang mga proyekto kabilang na ang pagkukunpuni ng mga depekto nito, habang nagbabayad ng utang na iniwan ng ating administrasyon nang wala man lamang paliwanag.

Samantala, binigyan ng komendasyon ni Abante si Lacuna, dahil nagagawa aniya nitong magpatupad pa ng social programs sa kabila ng paghihigpit ng sinturon dahil sa pagkakabaon sa utang at nagagawa ang mga programa nang hindi kailangang mangutang.

Kabilang sa mga ipinatupad  ni Lacuna ay ang pagdoble ng  senior citizens’ allowance mula  P500 hanggang  P1,000 kada buwan  at gayundin ang pagbibigay ng P2,000 graduation gift sa mga graduating students mula  Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at  Universidad de Manila, habang patuloy na nagkakaloob ng pangunahing  social services sa mga komunidad.

Ang lahat ng ito ay dahil umano sa pagiging mahusay na   fiscal management na dahilan para matamo ang  Seal of Good Local Governance (SGLG), na kauna-kaunahan sa kasaysayan ng  Maynila.

Ang  lungsod  ay mayroon na ring monthly allowances na nakalaan para sa minors with disability, maliban pa sa regular na tinatanggap na allowance ng mga PWDs.

Bilang panghuli, sinabi ni Abante na sa kabila ng  budgetary constraints dahil sa utang na iniwan ni Moreno, wala umanong planong mangutang ang administrasyong Lacuna, bagkus ay ipagpatuloy ang epektibong paghawak ng kaban ng bayan na siyang dahilan para mailunsad niya ang mga programang para sa kapakanan ng mga Manileño. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights