Iba't-ibang libreng serbisyo sa mga residente ng Tondo, lalo na sa seniors sa April 2
GOOD news para sa mga residente ng Tondo.
Inaanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng Tondo lalo na ang mga senior citizens, na samantalahin ang napakaraming libreng serbisyo ng City Hall.
Kabilang dito ang maintenance medicines, libreng haircut and massage, sa isasagawang ‘Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!’ na gaganapin bukas, Miyerkules, April 2, 2025.
“Ang mga serbisyo ng Manila City Hall ngayon ay mas abot na ng lahat. Walang bayad at bukas ito para sa lahat,” saad ni Lacuna kasabay ng pag-aanunsyo niya na gaganapin ang ‘Kalinga’ program ng kanyang administrasyon mula 7 a.m hanggang 12 p.m. sa Wagas Street, malapit sa Ibarra Street Tondo, District 1.
Bagamat gagawin ang nasabing service fair sa Barangay 35, sinabi ni Lacuna na ang mga residente mula sa katabing barangays ay welcome din na ma- avail ang maraming libreng serbisyo na inaalok sa venue kabilang na ang health, social welfare, senior citizens, civil registry, jobs, TESDA training at maging pet vaccination.
Para sa senior citizens, ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Elinor Jacinto ay magkakaloob ng assistance para sa application ng senior citizen IDs, requests for replacement ng senior citizen ID at new purchase booklets at consultation tungkol sa allowances. Makakatanggap din sila ng free pneumococcal vaccine pati na ng ibang gamot na available sa pharmacy sa ilalim ng serbisyong ipinagkakaloob ng Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold Pangan.
Lahat ng residente na magtutungo sa fair ay makakapag-avail din ng free medicines, medical consultation, blood typing, dental check-up and procedures (filling, flouride application, tooth extraction), Philhealth profiling, reading glasses and Pentahib, Polio, IPV and MMR vaccines para sa mga sanggol.
Ang Manila Department of Social Welfare sa pamumuno ni Re Fugoso ay magbibigay ng assistance kaugnay ng applications for replacement of lost IDs for persons with disability and solo parents, pati na rin consultation tungkol sa allowances, habang ang City Civil Registry Office sa pamumuno ni Encar Ocampo ay mag-i-entertain ng requests at mayroon ding consultation para sa civil registry tulad ng birth, marriage at death certificates.
Ang City Treasurer’s Office sa ilalim ni Jasmin Talegon ay magbibigay ng assistance for payments for request on certified true copy of certificates (birth, marriage, death) pati na payments for tricycle and e-trike permits habang ang City Legal Office magbibigay ng libreng notaryo, legal advice, affidavit of loss para sa senior, PWD and solo parent IDs at free affidavit para naman sa application of solo parent ID.
Ang Public Employment Service Office sa ilalim ni Fernan Bermejo ay maghahanda ng mga available employers para sa job applications and accept applications para sa senior at PWD job applications din.
Mayroon ding free training para sa possible business ventures sa ilalim nh Manila Manpower Development Center.
Samantala, ang Veterinary Inspection Board ay magkakaroon ng libreng anti-rabies vaccination and deworming para sa aso at pusa. Mayroon ding consultation. (MARISA SON)