Live-in partners sa Maynila inanyayahan ni Mayor Honey sa all-expenses paid mass wedding ngayong Hunyo

KAUGNAY ng pagdiriwang ng ika-455 Araw ng Maynila sa Hunyo, inanyayahan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng Manileño na matagal ng nagli-live-in, na magparehistro upang sila ay maipakasal sa Simbahan o civil sa darating na Hunyo nang walang gagastusin kahit na isang sentimo sa ilalim ng “Kasalang Bayan 2025”.
Sinabi ni Lacuna na lahat ng interesado ay maaaring magtungo sa Manila Civil Registry Office o magpadala ng mensahe sa Manila Public Information Office Facebook page upang makakuha ng impormasyon sa mga dokumentong kakailanganin.
Nabatid kay Civil Registry head Encar Ocampo na limitado lamang ang slots at ang mga aplikante ay ie-entertain sa pamamagitan ng “first come, first serve basis”.
Idinagdag pa nito na ang mga may tama, kumpleto at aprubadong dokumento lamang ang makakasali sa mass wedding.
Ang deadline para sa submission ng documents ay sa May 15, 2025.
Para sa mga nais na mag-avail ng civil wedding na hindi mga Catholic, ang mga requirements ay: certificate of no marriage (CENOMAR); marriage license (Manila Civil Registry-issued); birth certificate; valid identification card with Manila address (Government-issued); afidavit of cohabitation (para sa mga edad 23 pataas na nagli-live-in na ng limang taon pataas at may anak na) at birth certificate ng bata.
Para sa Church wedding, ang mga aplikante ay kailangang ipakita ang mga sumusunod: CENOMAR; baptismal certificate (purpose: for Church wedding); confirmation certificate (purpose: for Church Wedding); marriage banns (para sa mga ‘di taga- Intramuros Parish) at interview/seminar mula sa Simbahan.
Ang parehong civil at Church wedding applicants ay kailangan na magpakita ng marriage license (Manila Civil Registry-issued); birth certificate; valid ID with Manila address (government-issued) at affidavit of cohabitation (para sa edad 23 pataas na nagli-live-in na ng mahigit limang taon at may anak na; birth certificate ng bata .
Sinabi ni Ocampo na tulad ng mga nakaraang mass weddings sa ilalim ng Lacuna adminisration, ang mga inclusions ay: marriage license, wedding cord and veil, flower bouquet, arrhae (wedding tokens) and wedding rings.
At sa atas din ng alkalde, ang reception, venue, church marriage at wedding service ay sagot na rin ng mayor’s office.
Ang petsa ng kasalan ay sa June 14, 2025 at gaganapin sa San Vicente de Paul Parish habang ang detalye ng civil wedding venue ay iaanunsyo sa mga susunod na araw. (MARISA SON)