ABP Partylist, Civic-Oriented Groups Nagsanib-Pwersa Upang Kondenahin
ang Ilegal na Pag-aresto ng Tsina sa 3 Pinoy

Nagsanib-pwersa ang Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) partylist, kasama ang anim na civic-oriented groups na kinabibilangan ng Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Isang Bansang Pilipinas (IBP) at ang Kalipunan ng Mamamayang Pilipino (KAMPIL). 

Layunin ng pagsasama-sama at pagtitipon na mariing kondenahin ang iligal na pag-aresto ng Tsina sa tatlong Pilipino na umano’y kinasuhan ng espiya, at tinawag ang hakbang na ito bilang isang propaganda tactic upang ilihis ang totoong isyu ng sigalot na lumalala kaugnay ng pag-aangkin sa West Philippine Sea.

Ayon kay Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, ang unang nominado ng ABP partylist at siya ring Chairman Emeritus ng ABKD at FDNY Movement, ito ay isang hayagang anyo ng pananakot ng pamahalaang Tsino at isang diversionary tactic upang bigyang-katwiran ang iligal na pagkakakulong ng tatlong Pilipino — sina David Servanez, Albert Endencia, at Natalie Plizardo — na inaresto sa China dahil sa umano’y paniniktik para sa intelligence ng Pilipinas.

Ayon pa sa kanya, ang tatlo ay mga masunuring mamamayang Pilipino na dumaan sa screening ng pamahalaang Tsino bago sila tinanggap bilang mga iskolar sa ilalim ng Hainan government scholarship na nakapaloob sa sisterhood agreement sa pagitan ng mga lalawigan ng Palawan at Hainan.

Nagpahayag naman ng pagdududa ang tatlong grupo sa diumano’y pag-amin ng mga naarestong Pilipino, at sinabing ito ay ginawa sa ilalim ng matinding pressure, batay sa pahayag ng pamahalaang Tsino kung saan binanggit ang “Philippines Intelligence Agency” o “Philippine Spy Intelligence Services” — mga ahensyang hindi umiiral sa gobyerno ng Pilipinas.

“Ang mga alegasyong ito ay walang basehan at pawang kasinungalingan lamang, bahagi ng isang planadong smear campaign kasunod ng pag-aresto ng mga pinaghihinalaang Chinese spies ng mga ahensiya ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas nitong mga nakaraang buwan. Nagdudulot ito ng seryosong pangamba na ang hakbang na ito ay isang kalkuladong hakbang ng pagganti,” ayon kay Goitia.

Naniniwala siya na ito ay isang uri ng pressure upang patahimikin ang gobyerno ng Pilipinas hinggil sa mga isyu sa rehiyon, lalo na sa West Philippine Sea.

“Inaaresto nila ang ating mga kababayan, nagpapakalat ng propaganda, at pilit na pinapalabas na sila ang biktima, pero sa katunayan ay sila ang nagkakalat ng kasinungalingan at pananakot,” dagdag pa niya.

Sinusuportahan din niya ang panawagan na tiyaking ang tatlo ay mabibigyan ng due process, makatarungang pagtrato, at paggalang sa kanilang mga karapatan alinsunod sa batas ng China.

Dagdag pa rito, hinihiling nila ang agarang pagpapalaya ng tatlong Pilipino mula sa kustodiya ng pamahalaang Tsino.

Sa patuloy na pagtaas ng tensyon, hinikayat ni Goitia ang mga Pilipino na maging mapagmatyag at ipaglaban ang dignidad ng bansa sa harap ng dayuhang agresyon.

Mariin ding ipinagtanggol ng anim na grupo si Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), laban sa mga batikos ni dating Press Attaché Ado Paglinawan, na inaakusahan si Tarriela at iba pang opisyal ng pambansang seguridad na nasa impluwensya ng Estados Unidos at kinukuwestyon ang lehitimidad ng mga maritime patrol ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

“Ang alegasyon ni Paglinawan ay hindi lamang iresponsable, kundi nakasasama rin sa pambansang seguridad,” ani Goitia, kasunod ng pahayag ni Tarriela na kinokondena ang komentaryo ni Paglinawan bilang purong insinuation at misinformation.

Mariing ipinagtanggol ni Goitia ang integridad at kredibilidad ni Tarriela, at inilarawan siya bilang isa sa iilang opisyal na may tapang na manindigan para sa soberanya ng Pilipinas.

“Si Commodore Tarriela ay hindi lamang tagapagsalita, kundi isang tunay na Pilipino na patuloy na nagpapakita ng tapang sa pagtatanggol ng ating soberanya,” dagdag niya.

Kinuwestyon din niya si Paglinawan sa patuloy nitong pagbanggit sa diumano’y ugnayan ni Tarriela sa retiradong opisyal ng U.S. Air Force na si Ray Powell, na walang basehan umanong tinawag ni Paglinawan na “handler” ni Tarriela — isang hindi makatarungang anyo ng character assassination.

Sa nalalapit na pagdinig ng Tri-Committee ukol sa West Philippine Sea na naka-iskedyul sa susunod na linggo, hinamon ni Tarriela si Paglinawan na dumalo at depensahan ang kanyang mga pahayag sa isang pormal na forum.

Tiniyak ni Goitia na patuloy nilang ibibigay ang buong suporta kay Tarriela sa publiko at handa silang lumabas sa lansangan kung kinakailangan. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights