Cash Gift Imbes na Cake, Hiling ng mga Senior kay Mayor Honey

GOOD news para sa mga senior citizens ng Maynila!
Request granted na ni Mayor Honey Lacuna ang kanilang kahilingan na sa halip na birthday cake mula sa pamahalaang lungsod, ay cash gift na lang ang kanilang matanggap sa kanilang kaarawan.
Ayon kay Lacuna, siya at si Vice Mayor Yul Servo ay nag-uusap na para amyendahan ang umiiral na city ordinance para suportahan ang nasabing plano.
Sinabi pa ni Lacuna na maraming senior citizens ang nagdaranas ng diabetes o high sugar at dahil dito ay ‘di na nila mae-enjoy ang cakes at ang pagkain nito ay may dalang peligro sa kanilang kalusugan.
Nabatid pa sa lady mayor na ipinaalam ng mga seniors sa kanilang isinagawang consultations, ang kanilang kagustuhan na sa halip na birthday cakes ay birthday cash na lang ang kanilang matanggap mula sa pamahalaang lungsod tuwing kanilang kaarawan.
Sa naganap na consultation ay sariling desisyon ng mga seniors at tanging kanila lamang ang pinairal.
Sa kasalukuyan ay inaalam na rin ng pamahalaang lungsod ang ulat na ang b-day cakes na ipinamimigay sa mga seniors noong nakaraang administrasyon ay overpriced.
Nitong nakalipas na ‘Ugnayan’ sa mga residente kung saan halos umapaw ang San Andres Sports Complex, pinapili ng lady mayor ang mga senior citizens kung birthday cake o cash gift, at naging unanimous ang desisyon ng mga seniors kung saan ang huli ang kanilang pinili.
Kapag na-convert na ang birthday cake sa cash, sinabi ni Lacuna na mako-complement nito ang pagtaas ng monthly senior citizens allowance na kanyang dinoble mula P500 hanggang P1,000 kada buwan at ito ay sa pamamagitan din ng ordinansa na kanyang pinirmahan noong isang taon din.
Ikinalungkot lamang ni Lacuna ang dapat sana’y mas maagang naipatupad ang pagdoble ng allowance ng mga seniors kung hindi lamang nasadlak ang Maynila sa P17.8 billion utang na iniwan ng dating administrasyon. (MARISA SON)