NAPIGILAN ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagnanakaw ng mga kalakal na nasamsam ng nasabing ahensiya sa isang bodega na matatagpuan sa Pasay City, kung saan naaresto ang nasa 67 Filipino at 10 Chinese national sa isinagawang operasyon noong Huwebes, Oktubre 26, 2023.
Nabatid na selyado at naka-padlock ang bodega sa panahon ng operasyon ng BOC laban sa mga kalakal na lumalabag sa intellectual property rights (IPR), partikular na sa mga clothing apparel, footware, at mga bag.
Sinabi ni BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso na mas pinalakas ang kanilang operasyon katuwang ang CIIS-Manila International Container Port (CIIS-MICP).
“We received information from a well-placed asset that there was an ongoing theft in a Pasay warehouse we have previously sealed and padlocked. This warehouse had been subjected previously to a Letter of Authority (LOA),” ani Enciso.
Nang makatanggap ng impormasyon, nagsagawa ng operasyon ang isang team mula sa Intellectual Property Rights Division (IPRD) ng BOC sa 112 M. Acosta St., Barangay 77, Pasay City upang mapigilan ang nasabing ilegal na aktibidad.
