PLANONG ipatawag ni Senator “Idol Raffy” Tulfo ang Joint Congressional Energy Commission (JCEC) upang rebyuhin sa posibleng amendment o pagkansela sa prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Naganunsyo si Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Energy, kasunod ng paulit-ulit na kapalpakan ng NGCP at hindi pagganap nito sa mga responsibilidad at obligasyon sa pagpapatakbo ng power grid ng bansa.
Matatandaan na ang nasabing kapalpakan ng NGCP na mapanatili ang stability ng grid ay humantong sa malawakang blackout sa Western Visayas, na kinabibilangan ng Panay Island.
Sa pagdinig ng Senado noong Enero 10, sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Gov. Arthur Defensor at Guimaras Gov. Joaquin Nava na apektado ang mga kritikal na establisyimento sa kanilang lalawigan dahil sa blackout.
Ang masama pa, sinabi nilang bilyon-bilyong piso ang nawala sa kanilang ekonomiya dahil sa mga lapses ng NGCP.
Sinabi ni Tulfo na ang mga consumers ang nagdurusa sa collateral cost sa mga electric utilities dahil sa mga kamakailang insidente.
Gayundin, binanggit ni Tulfo na kabilang sa lapses ng NGCP ay ang kawalan nito ng napapanahong information dissemination sa mga ahensya ng gobyerno tungol sa patakaran at regulasyon, pati na rin ang kakulangan sa pakikipagugnayan sa mga immediate stakeholders tulad ng electric utilities.
Dahil kuwestiyonable na ang kredibilidad ng NGCP bilang grid operator, muling iginiit ni Tulfo na oras na para kanselahin ang prangkisa nito. (Nino Aclan)