RAINWATER HARVESTING FACILITY, LONG TERM SA EL NIÑO

MULING nabuhay ang iniakdang panukalang batas ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa Senado hinggil sa posibleng solusyon na makatutulong ng malaki hindi lamang sa komunidad kung hindi maging sa mga negosyo dahil sa napipintong pagtindi ng epekto ng El Niño sa bansa.

Matatandaang isinumite ni Revilla ang SB No. 990 noong Agosto 2, 2022 o ang An act mandating the establishment , harvesting , maintenance and regulation of a rainwater harvesting facility in all new institutional, commercial, industrial, and residential development projects in Metro Manila.

“Naniniwala ako na malaki ang maitutulong nito lalo pa at may water shortage sa Metro Manila na hanggang ngayon ay pilit pa ring inireresolba kung paano magkakasya ang supply ng tubig maging sa mga karatig-bayan” saad ni Revilla.

Ayon sa senador, tuluyan nang bumagsak ang water level ng Angat dam at lima pang dams sa bansa dahil sa panahon ng tagtuyot.

Paulit-ulit na lamang din umano na may mga rotational water interruption at marami ang umaasa na lamang sa rasyon ng tubig sa tuwing dumarating ang ganitong problema.           

Dahil dito, nabuo ni Revilla ang panukala na kailangang pagtuunan ng pansin ang paggamit ng rainwater harvesting technology sa lahat ng bagong institutional, commercial, industrial at residential development project sa Metro Manila.

Nakapaloob din sa panukala ni Revilla na lahat ng project owners o developers na higit sa 100 square meters ang building blue print area, ay kailangan maglagay ng nasabing pasilidad na puwedeng magamit sa urban irrigation, ground water recharge, firefighting, construction at iba pang non-potable na paggamit tulad ng paglilinis ng sasakyan, pambuhos sa banyo at iba pa.

Ang mga project owners o developers naman na may mahigit sa one thousand square meters ang land area ay Kailangang naman magsumite ang project owners o developers ng Rainwater Management Plan (RMP) na may mahigit sa one thousand square meters, bilang bahagi ng site development application at approval process.

“Ang rainwater harvesting ay isang innovative technology na napatunayang epektibo sa maraming bansa sa pagresolba sa problema sa tubig, tulad sa India na nairaraos nila ang kakapusan sa tubig dahil sa pag-iipon lamang ng tubig ulan—kung tutuusin mas madalas ang pag-ulan sa Pilipinas kumpara sa kanila pero nagagawa nila” paliwanag ni Revilla.    

Ang panukalang ito ay kaugnay din sa Philippine Water Supply and Sanitation Master Plan (PWSSMP) kung saan may mandato na lahat ng government building at bagong construction project kabilang na ang resettlement areas na magkaroon ng rainwater harvesters (RHWs).

“Hindi puwedeng naghihintay na lamang tayo sa mga mangyayari at pinanonood na lamang kung sino ang nais na makialam at magbigay ng tulong sa problema sa supply ng tubig, ang dapat ay umaksiyon tayo at itong rainwater harvesting ang nakikita kong long term solution” pagwawakas pa ni Revilla. (NIÑO ACLAN)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights