Escudero bagong Senate President matapos mapatalsik si Zubiri

BAGO na ang liderato ng senado matapos na mahalal si Senador Francis “Chiz’ Escudero bilang bagong Senate President kapalit ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ito ay matapos walang isa mang senador na tumutol sa nominasyon ni Senador Alan-Peter Cayetano kay Escudero sa puwesto ng Senate President.

Naging emosyunal naman ang ilang mga senador sa pagbaba sa puwesto ni SP Zubiri.

Aminado naman si Zubiri na mabigat sa kanya ang mga pangyayari ngunit hindi maaring maapektuhan ang trabaho ng senado.

Inamin ni Zubiri na isa sa dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto ay ang hindi niya pagsunod sa instruction.

Ngunit nanindigan siyang tapat dahil kanyang ipinaglaban ang senado at naglingkod ng tama sa taong bayan.

Nasaksihan din ng may-bahay ni Zubiri na si Audrey Zubiri ang ginawang pagpapatalsik sa kanyang asawa habang siya ay nasa VIP section ng session hall ng senado.

Sumaksi naman sa panunumpa ni Escudero bilang bagong pinuno ng senado ang may-bahay nitong si Heart Evangelista.

“Maraming salamat po muli sa tiwala at nakahanda po akong pagsilbihan kayo sa anumang makakaya natin habang sabay-sabay nating pinagsisilbihan ang bansa at ang sambayanang Pilipino,” ani Escudero.

Nahalal naman sina  Senador Jinggoy Estrada bilang bagong Senate President ProTemporeSenador Francis Tolentino bilang bagong Senate Majority Floor Leader at Senador Alan Peter Cayetano bilang Chairman ng Committee on Accounts matapos mabakante ang naturang mga pwesto.

Nagbitiw naman sa kani-kanilang puwesto  at hinahawakang mga komiteng pinamumunuan sina Senador Sonny Angara, Senadora Nancy Binay at Senate President Pro-Tempore Loren Legarda  at dating Majority Leader Joel Villanueva.

Magugunitang ang usapin ng kudeta o pagpapatalsik kay Zubiri ay hindi lamang nitong Lunes nangyari kundi matagal ng alingasngas.  (Nino Aclan)

Verified by MonsterInsights