Benepisyo ng lahat ng firefighters, isusulong ng ABP Partylist

“Sino ang sasagip sa mga tagapagligtas nating bumbero kapag kaligtasan at  buhay nila ang naging kapalit sa pagsuong sa panganib kapag may sunog?”

Ito ang  tanong na nag-udyok kay  Dr. Jose Antonio “Ka. Pep” Goita, first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist na irerepresenta ang mga bumbero, fire rescuers at volunteers sa darating na eleksyon sa Mayo 2025.

Sinabi pa ni  Goitia na nakita niya ang malaking sakripisyo ng mga ito na makapagligtas ng buhay ng iba sa pamamagitan  ng pagresponde  at pagsuong sa panganib. Hindi nila alintana ang  makakapal na usok, matinding init  at ang posibleng pagguho ng mga bahay at gusali kapag may sunog. Subalit kapag  sila na mismo ang naaksidente, napapabayaan sila ng sistemang kanilang pinaglilingkuran.

“Dapat ng  pagtuunan ng  pansin ang ganitong sitwasyon at hindi dapat ipagwalang-bahala lalo na sa panahong sila naman ang lubos na nangangailangan ng tulong kaya marami kaming  mabigyang ng pansin ang kalagayan ng  mga fire and rescue  volunteers,”  pahayag ni Goitia.

Ayon pa kay Goitia, nararapat  lamang na  matugunan ang kanilang mapanganib na kondisyon, maliit na hazard pay at madalas na  hindi sapat na insurance coverage para matustusan ang kanilang pagpapagamot.

Sa maraming pagkakataon, napipilitan umano sila na sagutin ang kanilang gastusin,  humingi ng donasyon upang makabayad sa ospital o kaya ay mangutang.

“Hindi makatarungan ang mababang hazard pay kumpara sa  mga sakrispisyong ginagawa nila. Sila ang tumatakbo papasok  sa nagliliyab na gusali  habang lahat ay tumatakbo palabas” saad ni Goitia.

Marami aniyang bumbero ang walang maayos na accident at life insurance mula sa gobyerno kaya kung sila naman ang  maaksidente  at  mamatay sa tungkulin ay hindi sapat para matustusan ang kanilang matagal na gamutan o masuportahan ang kanilang mga naiwang mga mahal sa buhay.

“Marami na akong nakausap  na mga bumberong nawalan ng kasamahan sa serbisyo at palagi nilang nasasabi  na paano kaya kung kami naman ang makaranas ng kaparehong sitwasyon. Kapalit ng  aming buong buhay na  pagliligtas ng buhay ng ibang tao ay  ang  walang kaagad na  mahihingan ng mabilis na tulong  ang aming pamilya,” dagdag pa niya.

Kung kaya, isinusulong ng ABP partylist ang pagpapatupad ng  Firefighters’  Protection and Welfare  Fund na  magtitiyak na  makakatanggap ng libreng pagpapagamot, benepisyo sa ospital at pinansyal na tulong ang mga bumbero, fire  rescuers at volunteers na nasugatan habang rumeresponde sa mga sunog.

Kabilang din dito  ang panukalang  disability support at mental  health care para sa mga nakaranas ng trauma sa pagtupad sa kanilang tungkulin. 

“Dapat na tratuhin silang mga bayani at hindi sapat na tawagin lamang silang bayani. Hindi sila nagdadalawang- isip  na isugal ang kanilang buhay para sa mga taong hindi nila kilala. Ang pinakamaliit na magagawa natin kung sila ay nasasaktan, may sistema na aalalay sa kanila at ipakita  na ang kanilang pagsasakripisyo ay may halaga,” saad niya.

Ayon pa kay Goitia isusulong din ng ABP ang pagbibigay ng mas maayos na pagsasanay at tuloy  tuloy na training upang mas maging handa sila sa pagresponde sa mga sakuna, de -kalidad na kagamitan  upang mas mabawasan ang panganib at mas ligtas na kundisyon sa trabaho.

Ito ay  mga paraaan  upang maprotektahan sila  bago pa may maganap na  aksidente habang sila ay gumaganap sa kanilang tawag ng tungkulin. (MARISA SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights