Bilang bahagi ng kanilang misyon na palakasin ang kampanya laban sa smuggling, nagsagawa ang Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), ng operasyon sa iba’t ibang bodega sa Malabon noong Marso 11, 2025.
Sa ilalim ng pamumuno ni Intelligence Officer 4 Alvin Enciso, ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng iba’t ibang ipinagbabawal na produkto na may tinatayang halaga ng ₱1.2 bilyon sa merkado.
Sa isinagawang inspeksyon, isang pinagsanib na enforcement team mula sa CIIS-MICP, Enforcement and Security Service-MICP, at Philippine Coast Guard-Task Force Aduana ang nakatuklas ng malaking dami ng pekeng produkto, disposable vapes na walang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps at Department of Trade and Industry (DTI) Import Commodity Clearance stickers, pati na rin iba’t ibang hindi rehistradong kalakal na nakaimbak sa loob ng mga bodega.


Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga hakbang sa pagpapatupad ng batas, patuloy na isinasagawa ng BOC ang kanilang kampanya upang tuluyang matigil ang iligal na distribusyon ng mga peke at hindi rehistradong produktong inaangkat mula sa ibang bansa.
Ang inisyatibang ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno sa pagpapanatili ng patas at mapagkumpitensyang merkado, pangangalaga sa intellectual property rights, at pagbabawas ng pagkalugi sa ekonomiya dahil sa smuggling at pandaraya.
Binigyang-diin ni District Collector Rizalino Torralba ng MICP ang kahalagahan ng operasyong ito, na nagsasaad na ang patuloy na pagbabantay ng BOC ay mahalaga upang mapigilan ang pagpasok ng mga iligal na produkto sa lokal na pamilihan at maprotektahan ang mga lehitimong negosyo.
Samantala, ipinahayag ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang matibay na paninindigan ng ahensya laban sa smuggling at pamemeke. Binanggit niyang patuloy na magpapatupad ang BOC ng mahigpit na enforcement measures upang mapangalagaan ang karapatan ng mga mamimili, interes ng mga negosyante, at kita ng bansa.
Ang mga bodega na pinasok ay agad na tinatakan at nilagyan ng kandado upang matiyak na mananatiling ligtas ang mga nakumpiskang produkto hanggang sa opisyal na imbentaryo.
Dahil dito, maglalabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga nakumpiskang produkto dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. (Dexter Gatoc)