Groundbreaking ng Maria Clara Super Health Center pinangunahan nina Mayor Honey at VM Yul

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang groundbreaking ng panibagong super health center, at ito ay para sa mga taga-Sampaloc. 
“Isang moderno, maayos at kumpletong pasilidad ang ibibigay ng Lungsod ng Maynila sa mga taga  Sampaloc,” pahayag ni Mayor Honey Lacuna sa isinagawang ground breaking sa nasabing lugar.
Ito ay isa na namang proyekto kung saan iginiit ng alkalde na ‘di kailangang mangutang ang city government. Ito rin ang pang-anim na  super health centers na itinayo at itinatayo sa ilalim ng Lacuna administration.    
Sa kanyang mensahe ay binanggit ni Lacuna ang suporta ni  Congressman Edward Maceda (4th district), kung saan ang kanyang tanggapan  ay tumulong sa proyekto, at binigyang diin din ng alkalde na ang Maria Clara Super Health Center sa Sampaloc ay isa na namang patunay na kung ang national at local government ay magkasamang nagtatrabaho, walang imposible. 
“Ayoko na po kasi talaga mangutang… kaya kinulit ko si Congressman Edward Maceda at di naman po siya nagdalawang-isip,” sabi ni Lacuna kasabay ng kanyang pangako na silang dalawa ni Maceda ay nag-uusap na kung paano nila kukumpletuhin ang ang pasilidad sa nasabing center. Walang rin ibang tinutukoy si Lacuna kundi ang  P17.8 billion  utang na iniwan ni ex-Mayor Isko Moreno. 
“Ito ay pinondohan ni Congressman Edward Maceda at maitatayo sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isang ahensya ng national government. Kami naman sa lokal na pamahalaan ang siyang magtitiyak na may sapat na kagamitan ang maitatayong bagong Maria Clara Health Center,” ayon kay Lacuna. 
Ayon sa alkalde, mapalad  ang mga residente ng  fourth district dahil kahit patapos na ang termino ni Congressman Edward Maceda, ang kanyang maybahay na si Giselle, na isa ring doktor ang papalit. 
Sa nasabing seremonya, sinamahan ang alkalde nina   Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, Councilor Science Reyes, candidate for Councilor Bong Marzan at Maria Clara Health Center physician-in-charge- Dr. Gerardo Benitez.    
“Magmula po naman nang ako’y pagtiwalaan ninyo na maging punong lungsod, naging pangunahing prayoridad natin ang pagtitiyak na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan. Isinulong natin ang maayos na pagpapatupad ng Universal Health Care Act sa lahat ng sulok ng lungsod at pinataas natin ang antas ng kalidad ng serbisyo at pinalakas natin ang kanilang kapasidad na maibigay ang nararapat na primary health care sa bawat Manilenyo,” saad ni Lacuna.     
“Inuunti-unti po nating maipaayos ang apatnapu’t apat nating health center sa buong Maynila. At di rin po tayo nahihiyang manghingi ng tulong mula sa ating mga congressman upang sila ang maghanap ng pondo na magagamit sa pagpapaayos ng ating mga pasilidad,” dagdag pa nito.   
Ayon pa sa lady mayor, ang  super health center ay magkakaroon ng  better, improved at mas kumpletong pasilidad tulad ng basic laboratory equipment, ECG, x-ray, ultrasound para sa mga nagdadalang tao.    
“Yang mga basic laboratory procedure ay kayang-kaya nang isagawa dito pa lang sa health center, nang sa gayun ay di na kakailanganing pumila pa ang pasyente sa mga ospital. Magkakaroon din dito ng maayos na silid para sa mga libreng konsultasyon at karampatang storage para sa mga gamot na maipamamahagi sa ating mga kababayan, lalo na yung regular maintenance medicines ng ating mga lolo at lola,” ayon pa kay Lacuna. (MARISA SON)
Verified by MonsterInsights