Tanging sina Mayor Honey, VM Yul at Asenso Party ang Dumalo sa Unity Walk at Peace Signing Covenant ng Comelec

Bukod tanging sina incumbent Manila Mayor Honey Lacuna , Vice Mayor Yul Servo at ang buong partido ng Asenso Manileño ang dumalo sa isang peace covenant signing at unity walk na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at deputized agencies.

Ginawa ang nasabing paglagda sa kasunduan sa Kartilya ng Katipunan at kapansin-pansin na tanging ang mga tumatakbo lamang sa mga lokal na posisyon sa Maynila sa ilalim ng partido Asenso Manileño ang dumalo sa nasabing pagtitipon na layuning itaguyod ang payapa, malaya at maayos na halalan sa Mayo.

“Dumalo po tayo rito para ipakita ang ating suporta sa isang maayos, patas, at payapang halalan sa Maynila. Naniniwala po tayo na mas mainam kung mas marami pang lumalahok sa ganitong inisyatibo, lalo na’t isa itong pagkakataon para ipakita natin, bilang mga lingkod-bayan, ang ating paninindigan para sa kapakanan ng mga Manileño,” sabi ni Lacuna.

“Sana, sa mga susunod na ganitong pagsasama-sama, may iba pa pong dumalo bukod sa Asenso,” dagdag pa nito.

Sabay-sabay namang pinakawalan ng mga ito ang mga puting kalapati na sumisimbulo ng kanilang katapatan at kapayapaan sa eleksyon matapos lumagda sa kasunduan.

Kasama ng alkalde at bise alkalde ang kanilang mga kandidato sa anim na distrito ng Maynila, kung saan lima dito ang incumbent Congressmen na sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district), Congressman Joel Chua (3rd district), Congressman Edward Maceda (4th district), Congressman Irwin Tieng (5th district) and Congressman Benny Abante, Jr. (6th district).

Ang comebacking first district Congressman na si Manny Lopez, anak ng dating Mayor Mel Lopez, Jr. ang kumumpleto sa Congressional slate ng nasabing partido, habang si Dr. Giselle Maceda naman ang hahalili sa puwesto ni Rep. Edward na patapos na ang ikatlong termino.

Majority members ng Manila City Council ay kasama ring dumalo na pawang kabilang din sa Lacuna-Servo slate.

Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan din ng mga kinatawan ng Comelec, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ng Philippine Coast Guard. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights