TRO, Writ of Preliminary Injunction Kontra VM Yul , Asenso Councilors Ibinasura ng Korte

IBINASURA ng Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 40 ang petisyon para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction na isinampa ni Councilor Joel Villanueva laban kay Vice Mayor Yul Servo at mga konsehal mula sa Asenso Manileño, na nag-iisang  dominant at ruling local party sa kabisera ng bansa.

Ito ang ibinunyag ni Manila Congressman Rolan Valeriano (2nd district) sa kanyang kapasidad bilang mataas na opisyal ng partido, at sinabi pa na binigyang kredibilidad ng korte ang isinumiteng dokumento at testimonya  ng  Asenso Manileño councilors.

Idinagdag pa nito na si Villanueva, na sinamahan ng ibang konsehal na hindi kaanib ng ruling party, ay bigong magprisinta ng sapat na ebidensya para pagtibayin ang  kanilang petisyon na pigilan ang reassignment ng mga  committee sa Manila City Council.

“Habang lubog sa baha ang Maynila at humahagupit ang bagyo, nasaan ang mga ‘konsehal’ na ito? Hindi nagpakita. Hindi tumulong. Imbes na gampanan ang tungkulin, mas pinili nilang gumawa ng eksena sa media. Panay acting na kunwari inapi sila. Manang-mana talaga sa sinasamba nilang poon ng Yabang’s Choice,” ayon kay Valeriano.

Sa kabila ng mga hakbang na posibleng gawin ng parehong panig, sinabi ni Valeriano na tagumpay na matuturing para sa Asenso Manileño ang naging pagbasura sa petisyon.

“Asahan na natin ang susunod nilang galaw — paninira, fake news, chismis, at pagbaluktot sa katotohanan. Ganyan na ganyan ang style nila,” saad ni Valeriano.

“Their obstructionist stance toward Asenso Manileño in the City Council failed miserably. Their attitude and work ethic on local governance show how they intend to block future decisions of the City Council and stand in the way of public service and progress,” dagdag pa ng Konggresista.

Tiniyak naman ni Valeriano sa mga taga-Maynila na sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka ng kanilang kalaban sa pulitika, ay Hindi papayagan ng administrasyon nina Mayor Honey Lacuna at Servo na madiskaril ang paghahatid ng pinakamahusay na serbisyo sa mamamayan ng kabisera ng bansa.

“Sa kabila ng mga balakid na pilit inihaharang ng mga kampon ng Yabang’s Choice sa Konseho ng Maynila,  kami po sa Asenso Manileño ay hindi magpapatinag sa pagtupad ng aming mandatong pagsilbihan ang mga Manileño. We will overcome evil,”  deklara pa ni Valeriano.

Sinabi ng MRTC Branch 40 sa kanilang desisyon na walang merito ang petisyon kaya ito ibinasura. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights