Groundbreaking ng bagong OsTon pinangunahan nina Mayor Honey, VM Yul at Cong. CRV

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) ang groundbreaking ng “Bagong Ospital ng Tondo (OsTon)” kung saan mae-enjoy na ng mga residente ang moderno, mas malaking pasilidad, expanded health care access at mas maraming iba’t-ibang uri ng serbisyong medikal na may kaugnayan sa maternal and child health, emergency and surgial care.
Sinabi ni Lacuna na malapit ng palitan ng bago at modernong walong palapag na pagamutan ang tatlong dekada na OsTon sa tulong ng tanggapan ni Congressman Valeriano, kung saan pinuri ng alkalde dahil sa kanyang patuloy na suporta at mga ginagawa upang tulungan ang kasalukuyang administrasyon na nakasadlak sa pagkakautang na nagkakahalaga ng P17.8 billion na iniwan ng dating administrasyon.
Sinabi ng lady mayor na ang proyekto ay isang solidong katibayan na marami pa rin ang magagawa sa pagtatambalan ng local at national officials nang hindi kinakailangan mangutang.
Nabatid kay City Engineer Moises Alcantara na ang “Bagong Ospital ng Tondo” na magsisilbi sa mga residente ng ikalawang distrito ng Tondo ay magkakaroon ng operating room, male and female ward, pedia ward at hemodialysis room.
“Mas malaki, mas maraming maibibigay na serbisyo at mas maraming tao ang matutulungan ng ating itatayong bagong ospital,” paniniguro ni Lacuna.
Sa kanyang mensahe , ipinahayag ni Valeriano ang kanyang kumpiyansa na kapag natapos na ang konstruksyon ng bagong OsTon sa loob ng dalawang taon, siya, si Lacuna at Servo pa rin ang magpapasinaya nito.
Sinabi pa ni Valeriano na siya at ang iba pang incumbent Manila Congressmen ay buong-buo ang suporta kay Lacuna at sa mga programa nito sa mga darating na taon patungo sa “Magnificent Manila in 2030.” Lima sa anim na Congressmen sa Manila tumatakbo sa ilalim ng Lacuna-Servo tandem.
Sa ginanap na groundbreaking na dinaluhan din ni Dr. Alvin Baetiong, OIC Hospital Director, second district Councilors, barangay officials at mga residente, sinabi ni Lacuna na isa sa mga pangunahing inaasahan ng mamamayan sa pamahalaan ang mapangalagaan ang kanilang kalusugan, mayroon silang madaling matakbuhan sa oras ng kanilang karamdaman, may mga doktor na makokonsulta at libreng gamot na maibibigay sa kanila.
“Kaya’t bilang isang doktor na minsan ding nagsilbi sa OsTon at Tondo Health Center at ngayo’y napagtiwalaan ninyong maging punong lungsod, naging prayoridad natin ang programang pangkalusugan. Unang-una nating ginawa ay tiniyak natin na nasa ayos ang ating anim na ospital at 44 na health center,” dagdag pa nito.
Ipinagmamalaki ni Lacuna na may mga gamot na ibinibigay sa mga nangangailangan nito at nangakong palalakasin pa ang kakayahan ng mga health centers ng lungsod para maging sentro sila ng mga probisyon para sa pangunahing health care services.
Nang maupo si Lacuna bilang alkalde at isa ring doktor ay pinaganda niya ang mga health centers upang makapagbigay na rin ito ng basic laboratory tests na tulad ng kumpletong blood chemistry o blood test.
Ang iba ay ginawa ng “Super Health Centers” na nag-aalok ng mga serbisyo tulad ng x-ray, ECG at ultrasound, dahil dito ay mababawasan ang mahabang mga pila sa anim na district hospitals.
“Pero di nangangahulugan na wala na munang gamutang mangyayari o gagawin ang mga kawani nitong Ospital ng Tondo. Mayroon tayo siyempreng inihahaing mga options upang makapagpatuloy pa rin ang lahat sa pagseserbisyo at yung mga regular na mga bumibisitang mga pasyente sa OsTon ay mabigyan ng alternatibong lugar na puwedeng puntahan,” pagtitiyak ni Lacuna.
Idinagdag pa nito na anim naman ang ospital kaya sa tatlong pinaka-malapit dito sisikaping i-refer ang mga pasyente ng OsTon, tulad sa Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Zaragosa/Del Pan, puwede rin sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Numancia sa Binondo, o kaya naman sa Ospital ng Sampaloc sa Geronimo.
“Sandali lang naman at di lilipas ang dalawang taon ay mayroon na tayong bubuksang Bagong Ospital ng Tondo. Ito ay alay namin nila Congressman Rolan CRV Valeriano sa mga taga Distrito Dos. Kaya muli, maraming salamat Cong CRV sa inisyatibo mong mapaglaanan ng pondo ang pagpapatayo nitong bagong ospital dito sa iyong distrito,” sabi pa ni Lacuna.(MARISA SON)