ISKO MORENO, KABILANG SA PINAGPAPALIWANAG NG COMELEC UKOL SA REKLAMONG VOTE-BUYING

SINITA ng Commission on Elections (Comelec) si mayoral bet Isko Moreno kaugnay ng vote-buying o pamimili ng mga boto, isang uri ng paglabag sa mga regulasyon ng Comelec na maaring maging batayan ng disqualification.
Inilabas ng Comelec ang listahan ng mga inisyuhan ng ‘show cause orders’ kung saan ikaanim si Moreno at may kasamang walo pang ibang kandidato, nitong Huwebes ng hapon, kung saan binanggit na ang rason sa pagkakasama kay Moreno ay dahil sa pamamahagi ng P3,000 sa public school teachers.
Bago niyan, binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa paggawa ng election offenses gaya ng vote-buying dahil maari umano silang maharap sa disqualification.
Sa katunayan ay bumuo pa si Comelec Chair George Erwin Garcia ng Committee on Kontra Bigay sa pamamagitan ng Resolution 11104 upang ipatupad ang batas laban sa pamimili ng boto at pagbebenta nito.
Upang palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad nito, nagtatag din ng regional, provincial at city-level “Kontra Bigay” committees na siyang magbabantay at magre-report ng mga paglabag.
Sa ilalim ng Section 24 ng nasabing resolution, ang vote-buying at vote-selling ay ang pagbibigay o pangangako ng anumang may halaga kapalit ng boto at hindi ito limitado sa cash transactions lamang.
Pinarurusahan din sa nasabing batas ang mga nahingi o tumatanggap ng anumang may halaga, direkta man o hindi, sa layuning ibigay bilang kapalit ang pag-impluwensiya sa boto ng iba.
Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaring maharap sa kulong na mula isa hanggang anim na taon nang walang probation, disqualification sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno, kawalan ng karapatang bumoto at multa na di bababa sa P10,000 sa mga partidong sangkot. (MARISA SON)