KATHRYN BERNARDO: SA ITAAS NG TAGUMPAY!

NITONG mga huling araw ay nanahimik lang si Kathryn Bernardo tungkol sa kontrobersiyal na video na kumalat sa social media, na ang masamang intensiyon ay sirain ang kanyang reputation bilang sikat na artistang may wholesome image.

Sa nasabing video ay makikita si Kathryn na gumagamit ng vape para sa paninigarilyo. Pinabulaanan ito ng mahusay na aktres na si Dolly de Leon na kasama niya sa pelikulang “A Very Good Girl”.

Paglilinaw ni Dolly, nagpapraktis si Kathryn na gumamit ng vape, dahil ang role nito sa movie ay nagyoyosi.

ANG BAGONG NORA AUNOR

Mula pa sa kanyang pagkabata ay taglay ni Kathryn ang kasipagan sa pag-aartista. Regular siyang lumalabas noon sa “Goin’ Bulilit” ng ABS-CBN, hanggang sa magdalaga siya.

Mas lalong umangat ang popularity ni Kathryn nang mabuo ang loveteam nila ni Daniel Padilla. Puro kumita sa takilya ang mga pelikulang pinagbidahan nila. Patok din ang kanilang mga teleserye.

Si Kathryn daw ang bagong Nora Aunor ng showbiz. Ang papuri ay hindi inilalagay ni Kathryn sa ulo para ipagmalaki o ipagyabang. Instead ay nagpapatuloy lang siya sa kanyang kasipagan bilang artista.

NUMBER ONE ANG KATHNIEL

KAKAIBA ang kilig na hatid ng tambalan nina Kathryn at Daniel. Hindi kasi fake ang sweetness nila na nakikita ng mga fans nila sa kanilang dalawa. Dahil ang pagpapareha nila ay nauwi sa ligawan hanggang sa naging relasyon.

Numero uno ngayon sa showbiz ang loveteam nina Kathryn at Daniel. Hindi mapantayan ng ibang tambalan ang lakas sa takilya ng mga pelikulang kanilang ginawa.

Pinataob ng Kathniel hanggang sa mabuwag ang mga tambalang Liza Soberano-Enrique Gil, Nadine Lustre-James Reid at Julia Barretto-Joshua Garcia.

ANG DANIEL NI KATHRYN

Magaan ang pagdadala nina Kathryn at Daniel sa kanilang relasyon. Mga bagets pa sila nang magkasama at magkakilala sa teleseryeng “Mara Clara”  na bersiyon nina Kathryn at Julia Montes.

Ang lalim ng relasyon nina Kathryn at Daniel ay naging matibay nilang inspirasyon sa bawat projects na magkasama sila bilang handog sa kanilang nga fans.

IPAREHA MAN SA IBA

IPINAREHA si Kathryn kay Alden Richards sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na hinulaang baka hindi pumatok sa takilya, dahil identified si Kathryn kay Daniel.

Pero iba talaga ang box-office appeal ni Kathryn. Ang tambalan nila ni Alden ay tumabo sa takilya at nagtala ng record bilang isa sa pinakamalaking kumitang pelikula ng Star Cinema sa buong showbiz!

HINDI NALASING SA TAGUMPAY

SIKAT na sikat si Kathryn. Mataas na ang kanyang talent fee. Mabenta rin siyang product endorser. Mula pagkabata ay nag-artista, at ngayon ay mayroon na ring mga negosyo para sa kanilang pamilya.

Kahit nasa tamang edad na ay tutok pa rin ang panahon ni Kathryn sa kanyang pamilya. Malalim ang pagpapahalaga niya sa relasyon sa pamilya, dahil kakambal iyon ng kanyang tagumpay.

KAILAN ANG KASAL?

PABORITONG itanong kina Kathryn at Daniel kung kailan sila magpapakasal?

Para sa kanilang dalawa, iyon ang dapat abangan sa kanilang relasyon.

Sa ngayon ay pareho silang marami pang mga trabaho na dapat tapusin.

Ang mahalaga sa ngayon, kaya magaan at masaya ang kanilang relasyon ay dahil bawat partido ng mga pamilya nina Kathryn at Daniel ay aprubado sa kanilang pagmamahalan.

NAPAKAYAMAN NI SHARON CUNETA

HINDI waldas sa perang kinikita at naipon ang Megastar na si Sharon Cuneta. Kaya hindi siya nawawala sa listahan ng mga mayayamang artista sa showbiz. Ang wife ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ay mapag-impok sa kung ano-anong ari-arian ang mayroon siya.

Ang pagiging masinop ni Sharon sa kabuhayan ay natutunan niya mula pa nu’ng bagets siya. Nakalakihan niya iyon sa istilo ng pamumuhay ng kanyang mga magulang na sina dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta at yumaong Mrs. Elaine Cuneta.

Si Mommy Elaine ang modelo ni Sharon sa pagiging masinop sa mga naiipon.

Bukod sa kanyang mga minanang ari-arian mula sa kanyang mga magulang, si Sharon ay nakapag-ipon dahil milyon ang kanyang talent fee, napakasipag niya bilang artista ganun din bilang singer. Naging patok din siya bilang product endorser. Mayroon pa siyang mga negosyo.

Hindi na maghihirap so Sharon kahit huminto siya sa pag-aartista. Ang panganay niyang anak na si KC Concepcion ang nagmana sa kanya ng pagiging masinop sa pera. Impluwensiya din ni Mommy Elaine, dahil si KC ay sobrang malapit sa yumaong Lola nung iyon ay nabubuhay pa.

QUINN CARILLO AT SEAN DE GUZMAN, MASUWERTENG MGA BAGUHAN SA SHOWBIZ

MASUWERTE bilang mga baguhang artista sina Quinn Carillo at Sean de Guzman. Sa ginanap na 38th PMPC Star Awards For Movies ay sila ang mga nagwaging Best New Movie Actress at Best New Movie Actor of the Year.

Si Quinn ay napansin dahil sa kanyang kahusayan sa pagganap sa pelikulang “Silab”. Si Sean naman ay napansin mula sa kanyang mapaghamong papel sa pelikulang “Anak Ng Macho Dancer”.

Pareho sina Quinn at Sean na nagsasabing hindi sila naniniwala na jinx o malas ang magwawagi bilang Best New Movie Actress and Best New Movie Actor.

Hindi talaga magiging jinx ang award para kina Quinn at Sean, dahil tuloy-tuloy lang sila ngayon na nagbibida sa mga ginagawa nilang pelikula.

Masuwerte sina Quinn ay Sean, dahil mga tamang tao ang namamahala sa kanilang karera. Nariyan ang Talent Manager na si Lito de Guzman. Nariyan din si Madam Len Carillo. Mga taong simple, may kakayahan at maraming koneksiyon sa showbiz. Higit sa lahat, maganda ang layunin ni Madam Len para sa movie industry, lalo pa’t movie producer na rin siya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights