Bucheon City, South Korea–Kasalukuyang ginaganap ang 27th Bucheon International Fantastic Film Festival (BIFAN) dito sa siyudad na ito na nagsimula noong Huwebes, ika-29 ng Hunyo, 2023.
Napakaringal ng pagtitipon na ito ng paglulunsad at pagbubukas na dinaluhan ng malalaki at maningning na mga bituin sa loob at labas ng Korea.
Kahit maulan ang pagsisimula ay bumuhos naman ang makikimang na tala na kahit mabasa ay makintab pa rin.
Binigyan ng parangal at retrospective ang beterano at respetadong aktor na si Choi Min Sik na ang katulad sa Pilipinas ay ang mga Ronaldo Valdez, Tommy Abuel, Tirso Cruz III, Christopher de Leon at iba pang kahanay nila.
Gayunman, maikukumpara si Choi Min Sik sa nasirang si Eddie Garcia sa laki ng pangalan, impluwensiya, husay sa pagganap at iba pang maipagmamalaking katangian ng isang alagad ng sining.
Kuntodo standing ovation at palakpakan ang ipinasalubong kay Choi na halos makayanig at makabingi sa buong Bucheon City Hall Lawn kung saan ginanap ang okasyon.
Ang sikat na Malaysian director na si Amanda Nell Eu ay rumampa nang bonggang-bongga sa red carpet at sinalubong ng masigabong palakpakan.
Nandoon din ang sikat na Taiwanese na si Kai Ko.
Ang American director na si Ari Aster na lumikha ng pelikulang “Beau is Afraid” na siyang opening film ng pestibal ay umani ng papuri sa mga manonood.
Ang Korean actress na si Park Ha-seon at ang kasamahan niya sa Korean showbiz na si Seo Hyun-woo ang nagsilbing mga emcee ng palatuntunan.
Kabilang din ang mga haligi ng K-pop na sina Park Joong-hoon at Ang Sung-ki at iba pa ang dumalo sa pagbubukas ng bonggang pestibal.
Samantala, sa panig naman ng Pilipinas, dumalo ang koponan ng “In My Mother’s Skin” na pinangunahan ng direktor na si Kenneth Dagatan.
Kasama ni Kenneth na lumakad sa red carpet sina Jasmine Curtis-Smith at Felicity Kyle na dalawa lang sa mga artista ng nag-iisang pelikulang Pinoy na palabas sa 2023 BIFAN.
Kaagapay rin ni Dagatan ang kanyang mga prodyuser na sina Bianca Balbuena at Bradley Liew.
Ipinalabas ang obra maestra ni Kenneth at dumagsa ang mga manonood na karamihan ay Koreans.
Naibigan nila ang pelikula base sa palakpakang masigabo.
Bukod sa BIFAN, ipinalabas na rin ang pelikula sa Sundance, sa Rotterdam at marami pang iba.
Samantala, dumalo kami sa Made in Asia Forum at napag-alaman naming nakabawi na ang Japan at Korean film industry nang dahil sa COVID-19 pandemic pero hindi pa masyado.
Lalo naman ang industriya ng pelikula sa Pilipinas dahil ang sabi ng producer na si Joji Alonso ay bagsak ang Pinoy movies noong nakaraang taon.
Sana’y makabawi na tayo sa 2023.
Kahit bumabawi pa ngayon, bongga pa rin ang B.I.G. (Bucheon Industry Gathering) ng BIFAN na may Network of Asian Fantastic Films (NAFF) na It Project at nakuhang entry ang “Please Bear with Me” ni Gabriela Serrano na nagwagi rin ng Special Jury Prize sa kanyang short film na “Dikit” at Best Director din sa 2022 Cinemalaya.