Gatchalian: 4 sa 10 pinoy ang kuntento sa senior high school ayon sa survey

Apat lamang sa sampung Pilipino ang kuntento sa senior high school, ayon sa isang survey ng Pulse Asia.

Batay sa resulta ng survey na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian at isinagawa noong Hunyo 19 hanggang 23, 2023, 41% lamang sa 1,200 kalahok sa buong bansa ang nagsabing kuntento sila sa senior high school. Mas mataas nang bahagya ang mga hindi naman kuntento o 42% samantalang 16% ang hindi tiyak kung kuntento sila o hindi.

Para sa solon, sinasalamin ng resulta ng survey ang kabiguan ng programang tuparin ang pangako nitong gawing handa para sa kolehiyo at trabaho ang mga kabataan. 

Ayon sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 20% lamang ng mga graduates ng senior high school ang pumapasok sa labor force, samantalang 70% naman ang nagpapatuloy sa kanilang edukasyon. 

Lumabas din sa naturang pag-aaral ng PIDS na pagdating sa basic pay, lumalabas na halos walang pinagkaiba ang mga senior high school graduates kung ihahambing sa mga nagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o Grade 10.  

Base sa survey, mas marami sa Class D (44%) at E (44%) ang hindi kuntento sa senior high school program. Lumalabas naman na 38% at 42% lamang mula sa Class D at E ang kuntento sa senior high school. Sa classes ABC, 57% ang kuntento, samantalang 27% ang hindi kuntento.

“Nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school pero para sa ating mga magulang, dagdag na gastos lang ang dulot nito. Hindi kuntento ang ating mga kababayan sa senior high school dahil hindi nila makita ang benepisyo ng programang ito,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, magkakaiba ang lebel ng pagiging kuntento o hindi kuntento sa senior high school. Sa Metro Manila may pinakamaraming hindi kuntento, (53%), samantalang 31% lamang ang kuntento sa programa.

Mas marami naman sa Luzon ang kuntento (43%) kaysa sa hindi kuntento (35%) sa senior high school. Sa Visayas, parehong 42% ang kuntento at hindi kuntento sa programa. Sa Mindanao naman, halos kalahati (49%) ng mga kalahok ang hindi kuntento sa senior high school, samantalang 42% naman ang kuntento.

Upang tugunan ang mismatch sa skills ng mga graduates ng senior high school at ang mga pangangailangan ng labor market, inihain ni Gatchalian ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022). 

Nais ng panukalang batas na patatagin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya. (RCD)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights